Mga Alaala
*mga kaartehan, kadramahan, alaala at kung anu-ano pa.
*pwedeng base sa tunay na buhay, madalas hindi. Pero pwede pa din.
Sa swing set tayo unang nagkita. Nagkakilala. Nagkausap.
Naalala ko pa yung unang pag-ngiti mo sa akin habang naka-upo ako sa swing. Patuloy ako sa pag-tulak sa aking sarili habang hawak yung chain. Lumapit ka, ngumiti at nagpakilala.
Sa totoo lang, hindi ka naman remarkable sa una nating pagkikita, maliban na lang siguro sa ngiti mo. Matangkad, moreno at mukhang mabait. Isama na natin yung pagiging friendly mo. Ang dami mong tinanong.
"Ilang taon ka na?"
"Saan ka nag-aaral? Anong year ka na?"
"Nag-eenjoy ka ba?"
Ang dami ko rin namang sinagot.
"19 lang naman."
"Sa may UP, medyo graduating na."
"Oo, nag-eenjoy naman ako."
Hindi lang naman tayong dalawa ang nasa eksenang iyan. May kasama ka, may mga kasama ako. Nasa swing set kami, nasa see-saw kayo. Nakakatuwa nga kayo panoorin ng kaibigan mo--sinubukan niyo pa mag-balance sa see-saw pero di nagtagal. Patuloy ka pa rin sa pagkwento at pagtatanong sa amin, lalo na sa akin.
Siguro kasi, halos pareho tayo ng edad at halos ako rin yung pinakamadaldal, tulad mo.
Di nagtagal, umalis rin kayo ng kasama mo. Pero bago pa man kayo nagpaalam, sinabi mo sa amin na sana magkita-kita tayo ulit. Sabay ngiti. Nginitian ka rin namin at umalis ka na. Sa oras na yon, hindi ka pa rin tumatak ng gaano sa isip ko. Pero pa-konti konti, naaalala ko ngiti mo.
Hanggang sa nakita na lang kita kumanta sa entablado. Narinig ko boses mo, umaawit ng buong-buo. Saka ko nalaman kung sino ka ba talaga, ano ang posisyon mo at kung bakit maraming nakakakilala sa iyo. Nalaman ko na hindi ka basta-basta.
Saka bumalik yung alaala ko sa swing set. Kung paano ka ngumiti, paano mo kami kinausap, paanong hindi mo pinaramdam na may iba. Bigla kong naisip ang kababaan ng iyong loob. At doon ka ganap na tumatak sa isipan ko.
Sabi ko sa sarili ko: "Grabe Lord, may ganon pa palang lalaki sa mundo." Sabay kilig na madaliang itinago.
Isang araw matapos ang ating unang pagkikita, oras na para magpaalam sa mahabang panahon. Hindi ko alam kung kailan kita ulit makikita o makakausap. Ginusto kong makausap ka ulit, pero nahiya ako. Ano naman ang sasabihin ko sa'yo? Ano paguusapan?
Nagkaroon ng pagkakataon -- o excuse -- para makalapit ulit sa iyo. At nang nakamit ang maliit na pangarap, ngumiti ka muli at nagpasalamat. Di ko malilimutan yung ngiti mong iyon, punong-puno ng galak na abot tainga pa.
Saka tayo namaalam sa isa't-isa at hindi nagkita ng matagal.
Pero kahit hindi kita nakita, matagal ka ring naglagi sa isip ko. Siguro, bihira kasi yung mga katulad mo--mahal na mahal si Lord, mabait, mapagkumbaba at masayahin. Nakakatawa kasi di naman kita gaano kakilala sa personal, pero sa aking mga naririnig at nakikita sa iyong pader, parang kilala na rin kita.
Tapos, nagkita tayo ulit.
Bumilis ang tibok ng puso ko nang malaman kong nasa malapit ka lang. Magkikita na tayo ulit; makakausap nanaman kita. Naisip ko na lang: "Maalala niya kaya ako? Yung babaeng nasa swing set? Yung huling paalam niya?" Di ko man inamin, pero nasabik ako sa iyo.
Ngunit kahit nasa iisang lugar tayo, hindi tayo nag-usap. Nahiya kasi ako. Kahit alam kong isang agwat na lang, magkikita na tayo, inunahan ako ng hiya. Kaya ayun, hindi tayo nag-usap. Nakita lang kita, nakita mo lang ako.
Bago ka umalis, naramdaman kong nakatingin ka sa direksyon ko. Pakiramdam ko lang naman, pero naisip ko na nakatitig ka sa kung saan ako nakaupo. Nagkunwari akong hindi kita napansin, pero sa totoo lang, napansin kita. Siguro, kaya ka napatingin kasi nakilala mo ako. Pero ako, bilang dakilang mahiyain, walang ginawa at hinayaang kang umalis.
Haist.
Missed chance nanaman. Akala ko, hindi na talaga tayo magkikita. Di ko man lang nasilayan yung ngiti mo. Wala. Nahiya ako.
Pero akalain mo nga naman ang tadhana...pinagkita tayo ulit ngayon.
Nakakatawa pa na nalaman kong nandiyan ka nanaman habang nananalangin sila. Pinagdasal ka nila at nanlaki naman ang mga mata ko. Pupunta siya? Nandito nanaman siya? Heto nanaman po kami! Sabay hawak sa dibdib.
At ayun, nasilayan nanaman kita. Ganon ka pa rin, medyo tumaba, pero suot-suot parin ang ngiting iyong-iyo. Nauna nanaman ang pagkamahiyain ko--simpleng Hi at Hello, hirap na hirap na ako. Hay, bakit nga ba ganoon?
Pero nang nagkalapit tayo, nagtagpo ang ating mga mata. Sabay ngumiti ka muli at pati na rin ako.
"Hi,"
"Hello,"
Sabay alis.
Maigsi lang siya at walang masyadong ganap. Pero sa totoo lang, masaya na rin. Hindi naman ako seryoso, pero isa kang masarap na inspirasyon. Isa kang pag-asa na nagpapaalala sa akin na mayroon pa ring mga katulad mo--bihira pero meron pa rin.
Pinanood kita at napangiti nang madalas. Hindi ko alam kung kelan ulit tayo magkikita o kung may makikilala ako na katulad mo. Pero hiling ko na lang kay Lord siguro na kung dumating man ang tamang panahon, sana palangiti, mapagmahal at masiyahin rin ang susunod na magtutulak sa akin sa swing.
No comments:
Post a Comment