UV Express - ang numero unong transportasyon ng mga manggagawang Pilipino tanggap na magbayad ng halos P60.00 na pamasahe; malamang patungo sila ng Ayala, Pasig, SM Megamall o kaya ng Quiapo; depende kung saan sila araw-araw nagpapakahirap.
Nang nagsimula ako magtrabaho sa Makati, ang UV Express na ang naging school bus ko sa pang araw-araw. Hindi na bago sakin yung eksena ng pila papunta at pag-uwi; sa totoo lang, yun nga yung senyas na magsisimula o matatapos na ang araw ko.
Para sa ibang tao, wala namang nangyayaring espesyal sa loob ng UV. Magbabayad lang sila kay Manong Konduktor, papasok tapos sabay tulog. Kung di man sila matutulog, malamang magrorosaryo, makikinig sa kanta o kaya tutulala na lang sa may bintana.
Para sakin, ang pagsakay sa UV ay isang mini-adventure. Mababaw, pero sa totoo lang, marami talaga ang nangyayari sa loob. Yun nga lang sa pagpili mo sang upuan ka sasakay, may kwento na yun (mas trip ko sa tabi ng driver o kaya sa kung saan mang di tatamaan ng araw). O kaya yung simpleng pag-lingon sa katabi mo, malamang may makukuha kang naratibo.
Ako kasi meron. Medyo marami sila, pero heto ang mga tumatak sa kukote ng utak ko.
May Kulo si Misis, Mukhang Manyak si Mister
Sa may pila ng UV sa Dela Rosa, may mag-asawang nagtatalo sa harapan ko. Di na naman bago sakin pag may mag-asawa o mag-jowang di nagkakasundo sa pila--pakiramdam ko nga mas trip nilang magtalo dun kasi maraming tao;di pwede gumawa ng malalang eksena ang isa sa kanila.
Nang nakapila ako, patuloy sa pagtatalo itong mag-asawa. Pabulong na sumisigaw si Misis (posible pala iyon) habang tahimik na umaangal si Mister.
Misis: #$%^&! Lagi ka na lang nawawala pag gabi! Wala na ngang gatas si Junior, lakwatsa ka pa ng lakwatsa!
Mister: (bulong, bulong. Malamang depensa sa sarili)
Misis: Eh %^&* ka pala eh! Lakas ng loob mong mawala pag gabi tapos kung maka-angal ka parang api!
Mister: (bulong, bulong) ...di naman masyadong nainom...(bulong, bulong)
Habang na sa pila, abot langit ang panalangin ko na di ko makasabay ang mag-asawang to. Pero ang tadhana nga naman, mapait. Naging magkatapat kami sa loob ng UV. Nang makapasok at nakaupo na ang lahat, biglang nanahimik ang babae. Siguro, naisip niya kasi na di siya pwede tumalak ng tumalak sa UV kasi maririnig ang mga angal niya. Tinalikuran niya ang kanyang asawa--deadma.
Malas na lang niya kasi napansin din to ng mister niya.
Syempre, ikaw ba naman, inaway-away ka sa pila, di ka ba matutuksong gantihan ang misis mong talakera? Yun nga ang ginawa ni Mister. Nakangisi pa siya habang tinatanong ang asawa niya;
"O ano, ba't bigla kang tumahimik? Ano? Wala ka ng masabi?"
Ang nakakatakot sa eksena na ito ay yung mukha nung Mister habang inaasar ang kanyang may bahay. Mukha siyang manyak, yung tipong kontrabidang may balak na masama sa lahat. Ramdam ko yung pagtitig ng katabi ko sa kanila; malamang napansin niya din.
Akala ko talaga may mangyayaring sabunutan o saksakan sa loob ng UV. Buti na lang, bumaba sila ng maaga. Hay salamat Panginoon sa grasya at kaligtasan nga naman.
Si Tita, ang Kanyang Rosaryo at ang Scripted na Panalangin
Di na bago sa akin ang makatabi sa isang taong nagrorosaryo habang bumabiyahe patungong Ayala. Madalas, ang mga ganitong nakakatabi ko ay mga Tita-type, kung tawagin ng nakararami. Halos pareho ang kanilang mga eksena: uupo sa tabi, dudukutin ang lalagyan ng rosaryo (madalas may palamuti at mukhang mamahalin), kukunin ang rosaryo at magsisimulang manalangin.
May nakatabi akong isang Tita na naiiba sa mga Titang nagrorosaryong nakasabay ko.
Hindi ako ganon kaalam sa pagrorosaryo, bilang hindi ako isang Katoliko. Pero base sa mga madalas kong nakikita, wala namang hawak na bond paper ang karamihan sa kanila. Itong partikular na Titang ito, meron. At tatlong pahina pa.
Habang nagrorosaryo siya, binabasa niya ng malakas ang nakasulat sa papel. Hindi ko to marinig kasi may suot akong earphones, pero nahuhuli ko ang pakonti-konting mga salita. Base sa mga mukha ng aking mga katabi, hindi normal ang ginagawa ni Tita.
Nakaka-aliw siyang panoorin. Hindi rin kasi siya sigurado kung tama ba yung binabasa niya. Patitigil-tigil siya sa pananalangin at madalas nagkakamot ng ulo. Makikita mo sa kunot ng noo niya na kahit siya mismo, hindi siya sigurado sa pinagdadasal niya.
"...Holy Mary, give us this day...ay?"
"To God our father, and the saint...of ano daw?'
Ayan. Ganyan ang narinig ko kay Tita. Nang bumaba siya sa may Greenbelt, di ko na lang napigilang ngumiti.
 |
Kaya niyo yan, Tita. Tiwala lang po. |
The Breakup Diaries: UV Express Edition
Pati ba naman sa loob ng UV, may mga nasasawi.
Mag-aalasnwebe na noon. Halos mapa-
head bang na ako sa sobrang pagod; gusto ko lang makapiling na yung kama ko sa bahay. Kahit gustuhin ko mang maidlip sa loob ng sasakyan, hindi ko magawa. Kasi naman yung katabi ko, nakikipag-away sa jowa niya na nasa kabilang linya.
Naalala ko sa babae yung Misis sa unang kwento, pero mas kalmado at medyo
bitchesa ang dating niya. Sa tono ng boses niya,
bitchesa nga ang tamang salitang maglalarawan sa kanya (paumanhin sa nasabing salita).
Habang inaaway ang kanyang
boyfriend, pataas-taas ang kilay niya. Siguro, kung ano man ang pagpapaliwanag na ginagawa ng jowa niya, di niya pinapaniwalaan.
Medyo bangag na ako nung pinakikinggan ko siya (paano ko ba naman di maririnig, eh dikit na dikit kami sa isa't-isa), pero eto ang naalala ko sa kanilang pag-uusap (para sa dayalogong ito, tawagin natin ang babae bilang si Ateng B at ang jowa niya ay si Kuyang X):
Ateng B: ang tagal tagal kitang hinintay, pero di ka naman sumipot. Ganyan ka naman lagi eh, nang-iiwan.
Kuyang X: (bulong, bulong, bulong, bulong pa
more)
Ateng B: sawang-sawa na ako sa mga kalokohan mo. Tingin mo magpapaloko pa ako sayo? Sabi ni Baby wala ka daw sa bahay. Kala mo di ko alam kung sino talaga kasama mo. Wag mo nga akong pagmukhaing tanga. Utang na loob hindi ako tanga.
Kuyang X: (bulong, bulong, malamang nagmamakaawa)
Ateng B: ayoko na, di ko na kaya to. Tagal tagal na akong nagtitiis sa'yo! Di ko na kelangan mag-explain. Ayoko na. Tapos na tayo. (sabay patay ng
cellphone)
Di ko na nalaman kung ano ang sumunod na kabanata. Nakasabay ko ulit si Ateng B sa UV, pero di ko alam kung sila pa ba ni Kuyang X o tuluyan na niyang iniwan to. Nagtanong kaya si Kuyang X kung ano ang paliwanag ni Ateng B?
 |
Aray ko 'beh |
Ang Pagsusuka at ang Bayanihan of the People
Hindi naman lahat ng nasakay ng UV sanay sa pagewang-gewang na galaw ng sasakyan. Pasalamat na lang ako na nasanay na yung katawan ko sa mga biyahe buhat nang nagsimula ako sa Unibersidad. Pero tulad ng nasabi ko, hindi lahat ay sanay at ang iba sa kanila ay lasing pa.
Papunta akong Alabang nang naganap ang kwentong ito. Ang nasakyan kong UV ay yung tipong magkakaharap kayong lahat ng kapwa pasahero mo. Lahat kami halos pagod na; yung iba gusto kong isara ang bibig sa laki ng pagkanga-nga. Baka kasi pasukan ng bangaw.
Habang nilalakbay ng UV Express ang Skyway, di ko pinapansin ang mga kasama ko. Masyado kasi akong nagsesentimyento nung gabing yon sabay may
My Chemical Romance pang playlist. Malamang sa malamang, hindi ako ganon ka-
aware sa mga nagaganap. Nang papalapit na ang UV sa toll gate, may naamoy akong kakaiba sa loob.
Pero di ko parin pinansin.
Napansin ko na lang nang may naganap na komosyon. Napatingin ako sa may upuan malapit sa pintuan, kung saan may isang babaeng nagsusuka. Madilim pa noon sa loob ng sasakyan at nahihirapan ang babae at ang mga katabi niya sa pagtulong.
Syempre, di naman pwede na hayaan naming lahat na ganon mangyari kay Ate. Sinabihan namin yung driver na buksan yung ilaw habang nagpapasa-pasahan kami ng tissue. Yung katabi ni Ate sa kaliwa, hinahagod yung likod niya habang yung nasa kanan pinatungang ng sandamakmak na
wet wipes yung pinagsukahan ni Ate.
Binuksan namin ang mga bintana para makahinga siya ng maayos. Nang mahimasmasan, paulit-ulit na humingi ng pasensya si Ate habang nililinis ang sarili niyang suka. Di naman kami nagalit sa kanya; mahirap nga naman bumiyahe ng di sanay at medyo lasing pa. Tinanong ni Ate kung pwede ba siya ibaba sa isang lugar na hindi kadalasan ruta ng UV Express.
Pumayag naman si Manong Driver. Kaya ayun, naibaba naman si Ate. Nang pababa na siya, di siya tumigil sa pagpapasalamat sa amin. Sabi nga nung Manang na katapat niya; "
Aba'y magpahinga ka pagdating sa bahay ha, ineng?"
At salamat na lang ang nasabi ni Ate. Pati ako nagpasalamat kasi hindi pa talaga namamatay ang bayanihan ng mga Pilipino. #maypagasapa
 |
Salamat, salamat sa pag-asa. |
Lampungan at Sari-Saring PDA
Kung may nasasawi sa UV Express, mayroon rin namang nagsasaya sa pag-ibig. Minsan nga lang, sumosobra na sila.
Wala naman akong sama ng loob sa mga magkasintahan. Masaya ako para sa kaligayahin ninyo,
pramis. Masaya ako na masaya kayo sa piling ng isa't-isa, na gusto niyong lagi kayong magkasama at magkahawak-kamay lagi. Pero utang na loob, minsan naman, kalma lang tayo sa pag-yapos at pag-halik. May mga taong nasa paligid ninyo.
May isang mag-jowa akong nakasabay sa pila na naguumapaw sa PDA (aka
public display of affection). Sa pila pa lang, halos di na sila makapagpigil sa pagyapos at paghalik. Mapisa-pisa na nga yung ilong ni Kuya Boy sa kakahalik kay Ate Girl. Sinubukan ko naman na wag pansinin ang dalawa;
moment nila yun, bakit ba ako nakatingin?
Pero sadyang mahirap kasi sila mismo, di makapagpigil. Halos manggigil na si Kuya sa kanyang pinakamamahal at halos sakyan na ni Ate si Kuya nang nagyakapan sila ulit. Imbes na pansinin sila, nagbasa na lang ako ng
Harry Potter, pero mas lumala pa silang dalawa.
Pano ba naman, may
matching verbal lambing pang nalalaman. Lalo na nang nakapasok kaming lahat sa UV Express.
Ayoko na i-detalye lahat ng naganap sa loob ng sasakyan. Sabihin na lang natin na hindi lang ako ang halos mabaliw sa pinag-gagawa nilang dalawa. Yung lolang katabi ko halos mabatukan na sila ng dala niyang
walking stick, pero nagpigil siya. Nakakaawa rin yung lalaking nakatabi nila, siksik na nga sa dulo, natutulak pa.
Ganon kalala.
Inuulit ko: wala naman akong problema kung
in-love kayo at gusto niyong yumakap. Pero utang na loob, kalma naman minsan. Konting
restrain lang naman ang hinihingi naming mga kapwa pasahero niyo. Wag niyo namang ipamukha na masayang-masaya kayo ng sobra-sobra--maraming
single ang nasasaktan.
Nakakatuwang isipin na kahit sa loob ng UV Express, marami ang nagaganap. Mula sa kwentong pag-ibig hanggang sa simpleng pagdadasal, marami akong naibabaong naratibo pag-uwi ko sa bahay. Minsan, nakakasakit ng ulo pero sa totoo lang, hindi kumpleto ang araw ko kung walang kwentong UV.
Ikaw, anong kwentong UV Express mo?